
Namatay ang Kalapati pero ok lang sa kanila ang lahat, kasi Kalapati lang naman? Samantalang maging ang Bishop ay Tutol. Gusto kong isipin na naniniwala yung mga gumamit ng kalapati sa selebrasyon ng muling Pagkabuhay, na siya ay espesyal na kalapati at pinagpala kaya siya ang napili, o baka ang tingin nila sa kalapati ay talagang katumbas lamang ng bagay na walang nararamdman o walang buhay. Pero alinman sa dalawa ay parehong may pinahirapan at NAMATAY NA LIKHA NG DIYOS habang ang intensiyon ay IPAGBUNYI ANG MULING PAGKABUHAY NG DIYOS ANAK sa sagradong Trinidad. Hindi ba magkatunggali ang mismong implementsyon at ang intensiyon? Seryosong tanong. Naniniwala ba tayo na matutuwa ang Diyos sa ginawa nating ito o tayo lamang ang natutuwa? Katoliko po ako pero minsan naiintindihan ko kung bakit Pinagtatawanan tayo o walang respeto ang ibang relihiyon sa atin. Iipitin at ibubuka ng hindi natural ang pakpak ng inosenteng Kalapati dahil ba sa larawan na imahinasyon din lamang ng gumuhit, na lumilipad ang kalapating simbulo ng Espiritu Santo? Ito kaya ay may malinaw na batayan o interpretasyon din lamang? Alinman sa dalawa, ay pinahirapan pa din natin ang isang Nilikha, ng Diyos na ating pinagbubunyi. Hindi kaya magkataliwas ang dalawang sensibilidad na ito? Mayroon pang justification na mas higit ang kapahamakan kung ang tradisyonal na bata na naka suot pang anghel ang gagamitin sa unveiling (?) May kaakibat bang Konsensiya o pagtitika ang mga nagpasimuno? Nasa bibliya ba ang mga ritual na ito? Kasama ba sa mga bilin ng Diyos na gawin ang mga re-enactment na ito para mapatunayan ang ating pananampalataya sa Kanya at para mabawasan ang ating pagkakasala o sarili lamang nating KAPRITSO ang ating sinusunod? Hindi ba isang PAYAK at TUNAY na pananampalataya at pag ibig lamang sa Diyos ay SAPAT na sa Kanya? Sa mga panahong ito na matalino na ang Tao at nasa bagong Tipan na ang Katolisismo, wala na ang mga panahong humingi ang Diyos kay Abraham na maghandog ng sakripisyo. Naisulat na ang Sampung utos at hinatid na tayo ni Moises; namatay na si Kristo at muling nabuhay kung kaya nasa Santinakpan na nga ang Espiritu Santo. Nasa atin na ang pagpapala, tutugon na lang tayo at tutupad sa mga bilin. Wala ng iba pang pinakamataas at pinaka kumpletong “ritwal” ng sakripisyo, pagkamatay at pagkabuhay ng Diyos Anak; ng ating pagsasalu salo at pananampalataya sa kanya na higit pa sa MISA. Ang imbitasyon ay isabuhay ang SELEBRASYON na ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa ang ating pamilya, angkan, kapitbahay, komunidad, Bansa, Daigdigan at lahat ng Nilikha. Hindi ritwal na tayu tayo lamang ang may gawa. Naiintindihan kaya ito ng lahat ng miyembro ng ating simbahang Katolika?


Filipino















